Nag-aacads sa UP: Tunay na Pabigat ka sa Bayan

2 Final Papers, isa para sa CD 110 at Panpil 19.
1 Oral Exam sa Monday para sa CD 110.
1 Final Exam sa Thursday para sa MBB 1.
1 Group Paper at 2 Individual Case Studies para sa CD 131.

Finals Week(s) nanaman at ang hirap hagilapin ng mga tao. May mga nakakulong sa mga kwarto nagbabasa, na tila mga encyclopedia mula A to Z. May mga naliligo sa radiation ng PC, gumagawa ng papers na kapag na-compile ay pwede ng punuin ang General References section ng Library pero hindi naman binabasa ng kahit sino pwera yung propesor (pero kung tulad ni Alex Magno ang prof, hindi na yan binabasa at dinadaan nalang sa Wheel of [mis]Fortune).

Naiintindihan ko ang mga Engineering, Science, Economics, Business Administration at Law students kung sa panahon na ito ay nagkukulong sila ngayong panahon na parang mga miyembro ng Al-Qaeda na may pinaplanong bagong "fireworks display".

Pero nagtataka ako sa mga iba pang estudyante. Yung iba, General Education subjects lang naman ang kinukuha, akala mo CD 126 ang kinukuha nila sa kaka-punta sa library.

Ayokong magtunog na nagyayabang pero sa aking experience, hindi problema ang acads basta hindi mabigat sa mga numero. Naaalala ko nung kumukuha ako ng Sociology electives kasama ang isang Araling Pilipino major na itatago natin sa pangalang "Voltaire". Sa aming pagkuha nun lumabas yung sinasabi namin na "kung kaya mong pumasa na hindi nag-aaral, go lang".

Kasi totoo naman eh. Hindi naman na kailangang mag-aral. Kahit nga yung MBB 1, andami ko quizzes at activities na na-miss noong USC election campaign period. Nagpagsabay pa namin ni "Voltaire" ang pagiging mga miyembro ng Executive Committee ng Anakbayan (UP Diliman chapter lang, ha?) kahit na 18 units kami.

Kaya naman nagpapakamot nalang ako sa ulo sa mga tao na kailangang lumubog sa lupa sa ganitong panahon.

Marahil iniisip ng iba "Oo na, Anton, henyo ka na".

Pero hindi eh. Hindi ko nga maalala kung ano yung pinagaralan ko sa Trigonometry o Calculus.

Sa palagay ko, usapin pa rin ito ng "mind-set".

Hindi ako nasa UP para mag-aral.

Nasa UP ako para mag-organisa ng mga iba pang mag-oorganisa sa mga mamamayang Pilipino. Yung mga tipong hindi umabot ng Grade 1. Yung tipong albularyo lang ang kanilang "medical service". Yung tipong hindi kayang bumili ng PC kahit hindi siya kumain ng isang taon. Yung tipong hindi alam kung ano ang PC.

At nasa UP ako dahil kahit papaano, naniniwala ako na makakahanap pa rin ako dito ng mga taong nakakaunawa sa mga sinasabi ko. At mga taong nakakaunawa na ang salita ay dapat mangahulugan ng gawa.

Nasa UP rin ako para makakuha ng diploma. Hindi para magtrabaho sa isang air-conditioned na opisina kung saan ang tinggin mo sa mga empleyado ay mga numero o mga bytes sa computer na walang pakiramdam at hindi naghihirap. Una, para masiyahan sa akin mga magulang ko. At pangalawa, para pagtapos ko at nagttrabaho na ako sa kung ano anong organisasyon, may diploma ako na pwede kong isampal sa mukha ng mga makikitid ang utak na mga burukrata para makuha ang respeto nila.

Naalala ko, nung unang 2 taon ko sa UP, tadtad ng 5.0, 4.0 at INC ang aking record. Pero iyon ba ay dahil sa aking mindset? Hindi. Noong panahon na iyon, tambay lang ako sa may A.S. Minsan sumasawsaw sa mga ginagawa ng mga tibak. Pero nung naisipan ko ng isabuhay ang pagiging tibak, kasabay nun yung pag-ganda ng grades ko.

Siguro yun lang naman ang problema eh, yung mindset natin. Nabibigatan tayo kung nakikita natin ang mga acads bilang bundok na kailangang patagin. Pero kung ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo ang mga iyong papatagin, para lamang putik na kailangang daanan ang mga acads na yan. Minsan nakakabagal. Minsan nakakadiri. Pero hindi siya hadlang.

Leave a Reply